Sino nga ba si Mama Sita?

Pilipino ka ba? O di kaya’y mahilig kumain ng pagkaing Pilipino? Kung ganun, ay siguro kilala mo kung sino si Mama Sita. Hindi na maipagkakali na basta Mama Sita ang pag-uusapan, tunay na pagkaing Pilipino ang maiisip ninyo.

Sa ika-25 na anibersaryo ng Marigold Commodities, ating balikan si Mama Sita, hindi lamang bilang isang magaling na taga-luto, ngunit bilang isang totoong tao—isang magaling na negosyante, isang masipag na kasama, isang mapagmahal na kapamilya, at isang tunay na ina.

Pinanganak si Teresita “Mama Sita” Reyes sa isang pamilya na talaga namang hilig na ang pagkain. Ang kanyang ina, si Doña Engracia Reyes ang kini-kilalang ina ng paglulutong Pilipino. Sa magulang niya natutunan na walang ibang sing sarap ang lutong Pinoy.

Mahilig din si Mama Sita sa kalakal. Mahilig siyang mamili ng kung ano-ano sa Divisoria, Nepa Q-Mart, FTI—kahit saan! Basta maalok na siya ng mga produktong diniskwentahan na, hindi na siya makakatanggi. Mula sako-sakong bigas hanggang isang dosenang lata ng evaporada, sampung kaing ng mangga o sako-sako ng patatas, ay hindi talaga niya palalampasin.

Dahil sa tiyaga niyang mamili at mag-eksperimento sa kusina, marami na ring naimbentong mga bagong recipe at pamamaraan ng pagluluto si Mama Sita. Sinulat niya ang mga ito sa kanyang mga diary at journal. Dahil sa kanyang tiyaga sa paglatha ng kanyang mga ideya, marami na tayong nalalamang mga sikreto sa pagkain at sa pagluluto!

Nakakatawa ding tao si Mama Sita. Makulit, sa kanyang pag-alok ng mga nabibiling kung ano-ano sa palengke. Mahilig siyang pumapak ng lansones, at butong pakuan tuwing nasa sasakyan siya. At ang kanyang pagtigil sa kung saan saang malalayong mga tindahan para lang makatikim ng pagkaing likha lamang dun sa lugar na yun—halo-halo, kakanin, at kung ano ano pa!

Ang hindi dapat natin kalimutan kay Mama Sita ang kanyang pagka-ina—ang natatanging “Mama” sa pangalang “Mama Sita.” Ang kanyang relasyon sa pagkain ay hindi na mahihiwalay sa pagmamahal niya sa mga tao—ginamit niya ang kanyang angking talino sa kusina para maipakita sa mga kapamiliya niya, sa mga kababayan niya na hindi mahihiwalay sa Pilipino ang pagmamahal niya sa sarili niyang luto, sa sarili niyang bayan.

Sino nga ba si Mama Sita? Masipag na negosyante. Masinop na katrabaho. Mapagmahal na kapamilya. At tunay na ina.

Ang kanyang relasyon sa pagkain ay hindi na mahihiwalay sa pagmamahal niya sa mga tao.